Monday, 31 March 2025

Tahimik ang Mesa

tula ni Roger B. Rueda

May tahimik
na kalupitan
ang pagkaabala—kung paanong
pinipiud tayo
ng sarili nating kalibutan,
tinatalikuran
ang pag-inog ng palibot.
Akala natin,
nagtatrabaho lang tayo,
nagsusuma ng maliliit na kadalag-an,
sumasabay sa agos
ng kabuhi. Tinititigan
ang mga baraha sa kamot:
mga plano, pagkabahala,
mga layuning paulit-ulit
na ibinabato,
parang bola ng labahan
na di matapos-tapos.
Samantala,
ang mga mahal natin—
nasa gilid lang—
ay umaabot.
Minsan para kumamay,
minsan para magpaalam.
At hindi natin
sila nakikita.
Ang pamilya, tulad
ng basag na pinggan
sa lababo ng madaling-araw,
ay hindi nagpaparamdam
kapag nawawala.
Tahimik silang
lumalayo.
Ang hapag,
na dati'y puno
ng kwento, tawa, sabay-sabay
na pag-abot sa sinigang,
ay unti-unting
nawalan ng tunog.
Tumanda ang ina,
naging mas tahimik
ang ama.
Ang kapatid,
hindi na bumabanggit
kahit ng mga simpleng kwento
ng kanyang araw.
May umalis
nang hindi na isinara
ang pinto.
At tayo,
nandito pa rin—
nakayuko,
naglalaro,
nakatuon,
naniniwalang
may oras pa.
Na may uulitin pa.
Na hindi pa tapos
ang hampang.
Hanggang sa isang araw,
parang pagputok
ng ilaw sa gabi—
na hindi mo agad napansin—
dumarating
ang pagkaunawa.
Wala na ang lahat.
Wala na ang pinggan,
ang baso,
ang kutsara’t tinidor.
Maluwag ang mesa.
Malamig ang upuan.
Tahimik ang palibot.
At ang lahat
ay nakahawak na
sa kani-kaniyang kutsara—
nakapili na,
nakahakbang na
palayo.
Tayo,
naghahanap pa rin
ng tamang pares,
ng perpektong set,
na hindi naman
talaga mahalaga.
Dahil ang tunay
na hampang
ay ang
pagtanaw.
Ang pag-angat
ng ulo.
At minsan,
sa oras
na gawin natin ito—
ulihi na
ang lahat.

No comments:

Post a Comment