Sunday, 30 March 2025

Paspud Restawran

tula ni Roger B Rueda

Ginamit ko ang ATM kard—
ang plastik na may guhit ng aking pangungulila—
sa harap ng makinang
sumusuka ng salapi.
Hila ang hininga, sinilip ko
ang naiwang halaga:
tinatantya kung kasya
ang kahit isang gabi ng karangyaan.

Sa paspud restawran,
kung saan may neyon na ilaw
na parang luhang hindi humihinto sa pagkurap,
umorder ako ng hapunan:
espageti na pula’t malagkit,
parang alaala ng Pasko sa bahay
na hindi ko na inuuwian.

Isang pleyt ng pitsa pai,
kutsarang may langis,
hawak ng kamay kong sanay sa tipid
pero ngayon, dumadaya.
Isang lard sais na koka kola—
malamig sa palad,
bula ng asukal na sumabog
sa aking dila,
habang sa aking wokman,
isang gitara ang binibiyak
ng tinig ni Axl Rose.

Kumakain ako’t
tumatango sa saliw ng rak,
parang may lihim
na hindi kayang ipagtapat sa sinuman.

Pagkatapos,
lakad pabalik sa opisina—
kalansing ng bota sa simento,
kaluskos ng dyaket sa hangin,
bitbit ang katawan
na parang hindi na kanya.

Sa loob, naroon na naman
ang kompyuter na matagal nang naghihintay
na parang asong uhaw
sa init ng paggalaw ng daliri ko sa kibord.
Naroon ang mga peyperwork,
mga papel na tila bundok
na pilit kong inaakyat gabi-gabi
nang walang tanong kung bakit.

Dahil hindi rin naman makapaghintay

ang bukas—


UPNWW, UP Miag-ao 2002

with Leoncio Deriada, Rosario Cruz Lucero, Merlie Alunan, Gemino Abad & Virgilio Almario


No comments:

Post a Comment