Wednesday, 2 April 2025

Gigil

tula ni Roger B. Rueda

May mga damdaming
ayaw magpakulong
sa mga salita—
parang ilaw ng poste
sa madaling-araw:
hindi pa ganap ang liwanag,
pero naroon na,
nanginginig sa gilid
ng balat.

Ramdam mo itong umaakyat
sa dibdib,
parang kuryenteng
nakakabit
sa pangalan ng sanggol
na parang panaginip,
o ng kuting
na tumatalon
sa iyong kandungan
na parang sinasadyang
pumunit ng puso.

Hindi ito basta tuwa—
ito ay buntong-hiningang
nahulog sa pagitan
ng mga ngipin.
At ngayon,
may pangalan na ito
sa Ingles:
gigil.

Isang salitang hindi lang
nagmumula sa bibig,
kundi umaabot sa mga
daliri.
Sa bagting ng leeg.
Sa panginginig
ng panga.
Hiniram mula sa Tagalog,
ngayong nasa Oxford na—
parang alon ng wika
na bumangga
sa banyagang dalampasigan
pero hindi nawala
ang alat.

Sabi ng diksyunaryo:
damdaming
sobrang tindi
na hindi mo na mapigilan—
kailangan mo na lang
kumuyom ng kamao,
magngitngit ng ngipin,
at pisilin
ang kung sino mang
sobrang cute
na gusto mong lunukin.

At oo,
ganoon kabaliw
ang pag-ibig minsan—
umaabot sa gilid
ng pasensya at pananabik,
nagiging sandali
ng kabaliwan
na walang sinasaktan
pero may pinipiga.

Hindi lang ito
pakiramdam—
ito rin ay pagiging.
Pwedeng sabihing,
"Ako'y gigil na gigil,"
na parang sinasabi mong
“Mapupunit ako
ng sariling galak.”

At sa ganitong pagdiriwang
ng di-maipaliwanag,
ng di-matinag,
naglalakad ang salitang ito
mula sa laway ng ina
na tuwang-tuwa
sa unang ngiti
ng anak,
patungo sa pahina
ng diksyunaryo.

Dahil minsan,
hindi sapat ang sabihin—
kailangan mong
ngumiti
habang nanginginig
ang pisngi,
habang pinipigilan mo
ang sarili
na yumakap
nang masyadong mahigpit.

Ito ang gigil:
ang damdaming
gusto kang kainin
mula sa loob.

Tuesday, 1 April 2025

Pagkatapos ng Tayfun

tula ni Roger B. Rueda

Pagkatapos ng tayfun,
hindi lang flad
ang naiwan.
May katahimikan din—
‘yung klase ng katahimikang
nagsisimula
kapag may nasira
pero walang gustong umamin.
Alam mo ‘yung frag padel
sa likod ng barangay hol?
Wala na.
Dati, nagtatakbuhan doon
ang mga bata—
nakatsinelas, putik-putik ang paa,
tawa nang tawa
parang walang bukas.
Tapos dumating ‘yung mga trak,
mga buldozer,
at mga lalaking
hindi naman madaldal
pero kayang baguhin ang lupa
na parang nagco-compyut lang.
Bawat buhangin,
bawat tabingi,
inayos nila,
pinatag,
binura.
Ginawa nilang ulit
na parang dati—
biyts,
lohn,
parkinglat.
Pero kung lalapitan mo,
makikita mong nanginginig pa rin
ang lupa,
parang hindi sigurado
kung ito ba talaga
ang dapat niyang anyo.
Tapos isang umaga,
doon mismo sa dating padel,
may tumubo—
isang tapolanga lang,
walang kaartehan,
walang ingay,
pero nandoon.
Parang sinasabi niyang:
“Nandito lang ako. Noon pa.”
Tumayo siya,
harapan ng araw,
hinihipan ng hangin,
parang binubulungan.
Hindi siya pabibo.
Hindi rin siya nagpapansin.
Pero naroon siya—
buhay.
At siyempre,
dumating ang graskater.
Maingay.
Diretso.
Walang pakialam.
Hindi niya nakita ang bulaklak.
Hindi niya kailanman nakikita.
At parang wala lang,
nawala na naman
ang kagandahang
pilit bumalik.
Ganyan siguro talaga tayo—
nag-aayos,
nakakalimot,
nagbubura
kahit ‘yung mga bagay
na pilit
bumabalik
sa’tin.